Sunday, August 31, 2008

Sa hintayan.

Heto...
nagbibilang ng bituin,
nangangarap ng gising,
kailan ba sasabihin
mamahalin nang muli?
Lito...
Kakaisip sa iyo,
ilang araw nang ganito,
awang-awa na sa puso,
gustong gusto nang sumuko.

Kailan ba malalaman
kung pwede nang magmahalan?
Ano ba ang kapalaran?
Luluha na naman ba sa ulan?

Lungkot...
hindi na ba talaga matatapos?
Kailan makakawala sa gapos?
Ayoko na ng oras na limos,
Ayoko na ng pag-ibig na kapos.
Limot...
Kung puwede lang kitang talikuran,
Kung kaya lang kitang kalimutan,
Di na sana ako mahihirapan,
naghihintay ng walang katapusan.

Kailan ba darating sa akin
ang inaasam na pagtingin?
Nababaliw na ng palihim
hangga't di mo pa sabihing...

Ako...
Sa piling ko na ika'y tatakbo,
bibitiw na sa lahat ng tinatago,
pag-ibig di na magbabago,
hanggang sa huling sandali ay ako...

Ako na.
Ako nang muli.
Ako na lang lagi.

Naiinip...
Pwede namang iwanang tuluyan,
at di na umasang magkabalikan,
pero pangako mo'y di maalis sa isipan,
sabi mo ako'y maghintay lang, konti na lang...

At ako na.
Ako nang muli.
Ako na lagi.

Kailan?